Noong
iwan mo ako nang walang pasabi at pangako ng pagbabalik umiyak ako buong gabi.
Umiyak ako nang sobrang tindi, kinailangan kong ibilad sa araw ang unan ko
kinabukasan. Ang sarap pala sa pakiramdam ng patulugin ka ng sarili mong
pag-iyak. Naisip ko, hindi pinakuluang dahon ng bayabas o alak ang sagot sa
ganitong klaseng sakit. Luha ang pinaka-mabisang
panglanggas sa sugat ng puso.
Kaya
inaraw-araw ko ito. Sinisimulan at tinatapos ko ang mga araw na ginagamot ang
mga sugat na iniwan mo. Binabalikan ko lahat ng alaala at hinahanap kung saan
silang lahat bumaon sa puso ko. Nakakatawa. Akala ko noon, kung dumating man
ang panahon na 'to, puro alaala ng mga away at hindi natin pagkakasunduan ang
mga sugat na iintindihin ko. Na sila ang mahirap gamutin. Na sila ang, kahit
ilang balde na ng luha ang aking pigain mula sa mata ko, magdurugo pa rin.
Pero
mas nagdurugo ako para sa mga tawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga patawa mo. Mas
nagdurugo ako sa mga yakap mo. Sa kung paanong ang balat ko ay parang nalalapnos
kapag dahan-dahan mo akong hinahaplos at kung paanong ang hininga ko ay
nahahapo at kinakapos kapag niyayapos kita. Nadurog ako noong gabing
umalis ka, pero mas nagdurugo ako sa unang gabi na pinili mong manatili.
Nadurog ako noong gabing sinabi mong ayaw mo na, pero mas nagdurugo ako sa
gabing tinanong mo ako kung puwede pa ba. Nadurog ako noong gabing tinalikuran
mo ako, pero mas nagdurugo ako na noong pagtalikod ko, nandoon ka pa. Nadurog
ako noong sinabi mong hindi mo na ako mahal, at nagdurugo ako, at nagdurugo
ako, at nadudurog at nadudurog at nagdurugo pa rin ako sa alaala na ikaw pa ang
mas naunang magsabi ng "Mahal kita."
Mahal.
Kita.
Kung
titignan ko nang maigi ang mga salitang isinulat ng lahat ng mga sugat na
naiwan mo, yang dalawang yan ang mababasa ko. Mahal. Kita. At sa inaraw-araw ng
pagbibilad-unan ko, nagmamahid na sila. Mahal. Kita. At sa dami ng luha na
pinanglanggas ko rito, naglalangib na sila. Mahal. Kita. At sa tagal nilang
kumikirot dito sa dibdib ko, medyo nakakasanay na. Mahal. Kita. At sa tagal ng
panahon na ginugol ko sa gamutan, sigurado magsasara na sila. Magsasara at
magiging pilat na paulit-ulit kong mababasa at ang parati lang sasabihin ay
"Mahal kita."
Mahal,
kung magkita tayong muli at tanungin mo ako uli kung puwede pa ba, ang
hihilingin ko lang sa'yo ay mga bagong unan. Dahil lahat ng akin ay 'kala mo
naulanan dahil lahat sila ay akin nang naiyakan ng mga kwento natin at nag-iwan
ng marka sa kanila at ayaw ko na. Ayaw ko nang matulog sa unang basa at malunod
sa pagtulog sa alaala na mahal kita. Mahal nga pala kita. Mahal pa rin pala
kita. At sa wakas, hindi na kasing sakit ng dati, pero mahal, masakit pa.
No comments:
Post a Comment
Hi! Let's all try to add more positivity in this world and adhere to the saying, "if you don't have anything nice to say, keep silent."
Showering you with unicorn poop so you'd always stay magical! Heart heart!