Tuesday, April 4, 2017
Sa Wakas by Karel Marquez
Sa wakas
Dumating na rin ako dito
Malayo sa kaguluhan at ingay ng mundo
Isang lugar na ang langit ay dagat at ang dagat ay langit
Sa pagtingala ako’y nilamon ng ulap
Na tila ba ang buhay ay walang bahid ng hirap
Pinakalma ang kumakabog na damdamin
Ng mga ibong humuhuni ng harana sa akin
Napapanatag sa mga along humahampas
Sa dalampasigang umaawas
At napapangiti sa halik ng hanging walang habas
Nananaghinip ba ako?
Paano ba ako umabot dito?
Magsimula tayo sa wakas
Sa mga naiwang bakas
Kung kailan ko tinalikuran ang entablado
Binitawan ang mikropono
Iniwasan ang mga naglalakihang ilaw
Na tila ba ako’y nasilaw
Hinayaan ang humahangos na damdamin ang magdikta
Kung sa’n ako pupunta
Hanggang sa madapa na
Pero hindi lahat ng nadadapa ay nananatili sa ibaba
Kumapit ka lang at maniwala
Hawakan ang lubid, tibayan ang bisig
Dahan-dahan kang umahon
Alalahanin na hindi ka mauubusan ng rason
Para tumayong muli
At mahanap ang mga nawalang ngiti
Dahil muling kakatok ang tadhana
Ang mga bituin ay muling magpapakita
Kaya ko pa ba?
Isusugal ko ba?
Maaalala na minsan ka nang nakinig
Sa mga himig ng pag-ibig
Kasabay din ng pag-alala
Na minsan ka na rin nitong niyanig
Pero susugal ako
Susugal ako pero
Lalapit sa distansyang sapat lang
Sa distansyang sakto lang
Para maabot ko siya
Maramdaman ka niya
Magtanong ng mga bagay mula sa pinakamalalim
Hanggang sa walang kwenta
Distansyang sapat lang
Na tulad sa pagitan ng isang pintor at ng puting tela
Tititgan, pag-iisipan bago simulan ang obra
Magsisimulang gumuhit, buburahin ang pangit
Makikipagbatuhan ng mga salitang tutugma
Sa saya at pait
Magbabakasakaling muling tumibok
Ang damdaming matagal nang tumiklop
Mula sa distansyang sapat lang
Para agad kong makita kung may dahilan
Para ipagpatuloy pa
Dahil kung wala
Ay pupunitin ko na
Pero iba ka
Hindi ko mapigilang mas lumapit pa
Na para bang ang sapat ay kulang na
Lalapit ako
At lalapit pa ako
Hanggang sa maabot mo ang pagkatao ko
Hanggang maniwala ulit
At managhinip
Hanggang mapalawak ang mundong sumikip
Hanggang sa matagpuan ang akalang hindi na mahahanap
Dahil matagal na pala tong nakasulat sa ulap
Matagal nang hinuhuni ng ibon
Matagal nang tinuturo ng alon
Na sa isang sulok ng mundong bukod pa dito
May naghihintay
Na katumbas mo
Magsimula tayo sa wakas
Sa wakas, magsisimula na tayo
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Hi! Let's all try to add more positivity in this world and adhere to the saying, "if you don't have anything nice to say, keep silent."
Showering you with unicorn poop so you'd always stay magical! Heart heart!