Sa Wakas by Karel Marquez



Sa wakas
Dumating na rin ako dito
Malayo sa kaguluhan at ingay ng mundo
Isang lugar na ang langit ay dagat at ang dagat ay langit

Sa pagtingala ako’y nilamon ng ulap
Na tila ba ang buhay ay walang bahid ng hirap
Pinakalma ang kumakabog na damdamin
Ng mga ibong humuhuni ng harana sa akin

Napapanatag sa mga along humahampas
Sa dalampasigang umaawas
At napapangiti sa halik ng hanging walang habas

Nananaghinip ba ako?
Paano ba ako umabot dito?

Magsimula tayo sa wakas
Sa mga naiwang bakas
Kung kailan ko tinalikuran ang entablado
Binitawan ang mikropono
Iniwasan ang mga naglalakihang ilaw
Na tila ba ako’y nasilaw
Hinayaan ang humahangos na damdamin ang magdikta
Kung sa’n ako pupunta
Hanggang sa madapa na

Pero hindi lahat ng nadadapa ay nananatili sa ibaba
Kumapit ka lang at maniwala
Hawakan ang lubid, tibayan ang bisig
Dahan-dahan kang umahon
Alalahanin na hindi ka mauubusan ng rason
Para tumayong muli
At mahanap ang mga nawalang ngiti

Dahil muling kakatok ang tadhana
Ang mga bituin ay muling magpapakita

Kaya ko pa ba?
Isusugal ko ba?

Maaalala na minsan ka nang nakinig
Sa mga himig ng pag-ibig
Kasabay din ng pag-alala
Na minsan ka na rin nitong niyanig

Pero susugal ako
Susugal ako pero

Lalapit sa distansyang sapat lang
Sa distansyang sakto lang
Para maabot ko siya
Maramdaman ka niya
Magtanong ng mga bagay mula sa pinakamalalim
Hanggang sa walang kwenta

Distansyang sapat lang

Na tulad sa pagitan ng isang pintor at ng puting tela
Tititgan, pag-iisipan bago simulan ang obra

Magsisimulang gumuhit, buburahin ang pangit
Makikipagbatuhan ng mga salitang tutugma
Sa saya at pait

Magbabakasakaling muling tumibok
Ang damdaming matagal nang tumiklop

Mula sa distansyang sapat lang

Para agad kong makita kung may dahilan
Para ipagpatuloy pa
Dahil kung wala
Ay pupunitin ko na

Pero iba ka

Hindi ko mapigilang mas lumapit pa
Na para bang ang sapat ay kulang na
Lalapit ako
At lalapit pa ako
Hanggang sa maabot mo ang pagkatao ko
Hanggang maniwala ulit
At managhinip
Hanggang mapalawak ang mundong sumikip
Hanggang sa matagpuan ang akalang hindi na mahahanap
Dahil matagal na pala tong nakasulat sa ulap
Matagal nang hinuhuni ng ibon
Matagal nang tinuturo ng alon
Na sa isang sulok ng mundong bukod pa dito
May naghihintay
Na katumbas mo

Magsimula tayo sa wakas
Sa wakas, magsisimula na tayo

Share this:

,

COMMENTS

0 comments:

Post a Comment

Hi! Let's all try to add more positivity in this world and adhere to the saying, "if you don't have anything nice to say, keep silent."

Showering you with unicorn poop so you'd always stay magical! Heart heart!