Isang Letra ni Juan Miguel Severo

"Hindi pa."

Nakakatawa ang dalawang salitang yon. "Hindi pa."
Parang ang gandang pakinggan sa umpisa.
Parang laging may paanyaya ng simula.
Kumain ka na ba? Hindi pa.
Napanood mo na ba itong pelikula? Hindi pa.
Natikman mo na ba 'to? Hindi pa.
Natikman mo na ba ako? Hindi pa.
Hindi pa. Parang laging may kasunod na "pero gusto ko sana".
Parang magsisimula ng maraming "oo."
Tama.
Magsisimula.
May pangako ng isang simula.
Kaya siguro magandang pakinggan sa una dahil sa pinapangakong simula pero
hindi pa. Sandali. Wag muna.
Mahal ko na ba? Hindi pa.

Sandali. Wag muna. Mahal ko na ba? Wag muna.
Tapos na ba? Hindi pa. Wag sana.

"Hindi pa."
Nagustuhan ko itong dalawang salita dahil, sa ibang pagkakataon,
para bang may pangako na balang araw magiging "hindi na".

Umaasa ka pa ba? Hindi na.
Naghihintay ka pa ba? Hindi na.
Masakit pa ba? Hindi na.
Mahal mo pa ba siya? Hindi na.
Tama.
Wakas.
Hudyat ng isang wakas.
Kaya siguro magandang pakinggan hanggang sa ngayon
dahil sa hinuhudyat nitong pagwawakas.
Hindi ba?

Umaasa ka pa ba? Hindi na.
Naghihintay ka pa ba? Hindi na.
Masakit pa ba? Hindi na.
Mahal mo pa ba siya? Hindi na.
Mahal mo pa ba siya? Hindi na.
Mahal mo pa ba siya? Hindi na.
Mahal ka pa ba niya? Hindi na.
Umaasa ka pa ba? Umaasa ka pa ba?
Nakalimutan mo na ba siya? Hindi na.
Hindi na?Nakalimutan mo na ba siya? Hindi pa.
Tangina. Nagsimula pero hindi tayo matapos-tapos sa hindi pa at hindi na.
Tangina. Isang letra lang ang pinagkaiba.
Wala pang isang segundo ang kailangan para isulat.
Isang pindot lang sa keyboard at tangina ang tagal na pero hanggang ngayon hindi pa.
Pag tinakpan mo nga ang ilalim ng letrang p, magmumukha na itong hindi na.
Pero hindi pa.
Kung anu-ano na ang pinangtakip ko pero ganon pa rin siya.
Kung anu-ano na ang pinambura ko pero hanggang ngayon nasa simula pa.
Kung sinu-sino na ang nilapitan ko pero nasa'yo pa rin ang mga paa ko.
Nasa'yo pa rin ako.
Sabihin mo nga:
Gaano karaming salita pa ang kailangan kong isulat para mapalitan ang isang letra?

Share this:

,

COMMENTS

0 comments:

Post a Comment